NASA kabuuang bilang na 277 kaso ng nakamamatay na sakit na COVID-19 ang naitala sa House of Representatives (HOR) mula nang pumutok ang pandemya.
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, sa naturang bilang ay 227 ang gumaling na mula sa naturang sakit.
Sa kasamaang-palad, 7 ang mga namatay sa virus infections kasama na ang dalawang kongresista.
Sa kasalukuyan, sinabi pa ni Mendoza na umakyat na sa 43 personnel ng Kamara ang aktibong kaso ng COVID-19.
Hindi pa kasama rito ang mga mambabatas na nagpa-COVID-19 test sa ibang pasilidad at nagpositibo sa sakit.
Iniutos na aniya ni House Speaker Lord Allan Velasco na magsagawa ng disinfection sa buong Batasan Complex, para sa kaligtasan ng mga empleyado.
Bukas naman, araw ng Huwebes Marso 25, ay magbabalik-sesyon ang Kamara upang tapusin ang mga trabaho bago ang break para sa Semana Santa. Sa pagbabalik-sesyon naman matapos ang Holy Week break ay magsasagawa ng mass testing sa Kamara, na bahagi pa rin ng safety measures kontra COVID-19.