KASIMBAYANAN program sa pagitan ng PNP at Simbahan, inilunsad

INILUNSAD ang revitalized KASIMBAYANAN Program upang mapalakas ang pagtutulungan sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at simbahan at upang lubos na mapaglingkuran at magampanan ang tungkuling pangalagaan ang mamamayan. 

Hango ang KASIMBAYANAN mula sa mga salitang Kapulisan, Simbahan, at Pamayanan kung saan binibigyang kahalagahan ang magkakatuwang na gampanin tungo sa pagkakaisa at pagtutulungan upang matagumpay na maisakatuparan ang pagpapatupad ng mga batas at programa para sa kabutihan at kapakanan ng nakakarami.

Ikinagalak ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Public Affairs (CBCP-ECPA) ang pagkilala ng PNP sa simbahan bilang katuwang sa pagtataguyod ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan.

Umaasa ang pari na ang presensya ng simbahan sa mga layunin ng programang KASIMBAYANAN ay tunay na maging makabuluhan tungo sa kabutihan ng nakararami.

Tiniyak din ng simbahan na magiging epektibong instrumento at katuwang ang kapulisan sa pagtugon upang mabawasan at mapigilan ang mga nangyayaring krimen sa lipunan at sa halip ay mangibabaw ang katarungan at kapayapaan.

Dito po sa partnership na’to, nais po naming ibahagi sa inyo ang aming pakikipagtulungan, suporta at anuman po ang magagawa pa naming iba para mas mapaunlad po natin ang bayan, para ang mga tao ay maprotektahan, para ang common good ay ma-uphold po natin, gagawin po ng simbahan,” ayon sa pari.

Bukod sa CBCP, kinatawan din si Fr. Secillano ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula para sa ginanap na pagpapasinaya ng programa ng PNP.

Samantala, nagsilbi namang Guest of Honor at tagapagsalita si Department of the Interior and Local Government-National Capital Region Director Maria Lourdes Agustin.

Kabilang din sa mga nagpaabot ng mensahe at suporta sa programa sina Rev. Nolasco Apolonio, President, National Capital Region Police Office Advocacy Group for Peace and Force Multipliers; Rev. Augustus Caesar Maribojoc, National Coordinator, Philippine Council of Evangelical Churches-Promise Keepers Philippines; Hon. Yusoph Mando, Commissioner, National Commission on Muslim Filipinos; at si Imelda Papin, President, Actors Guild of the Philippines.

Isinagawa rin sa programa ang paglagda sa Memorandum of Understanding sa panguguna ni Police Brigadier General Jonnel Estomo, Acting Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kasama ang mga pinuno at kinatawan ng faith-based advocacy support groups, peace advocates at mga local government unit.

Ginanap ang pagpapasinaya sa KASIMBAYANAN Program sa NCRPO Grandstand, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City nitong Oktubre 3, 2022.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.