Karagdagang pondo, kailangan para sa Barangay at SK elections sa 2023

Share this information:

INAMIN ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia na kakailanganin ng karagdagang pondo para sa pagsasagawa ng Oktubre 2023 Barangay and SK Elections (BSKE).

Ayon kay Garcia, inaasahan nila na madadagdagan ng 5 milyon ang mga botante dahil sa muli nilang ikakasa ang voters’ registration mula Nobyembre 2022 hanggang Mayo 2023.

Bukod dito, kinakailangan rin baguhin ang template ng mga balota partikular ang petsa ng halalan kung saan gagawin itong Oktubre 2023 sa halip na Disyembre 5, 2022. 

Ayon kay Garcia, nasa 5-6 milyon na mga balota na ang na-imprenta kung kaya’t dahil dito, kinakailangan ng karagdagang budget lalo na’t hindi sapat ang hawak nilang pondo.

Pahihintuin na rin ng Comelec ang pag-iimprenta ng balota sa National Printing Office ng isang linggo para mabago ang petsa ng halalan.

Nagpasa naman na ng resolusyon ang Comelec na nagsasaad na ang mga na-imprenta na mga balota na may petsa na December 2022 ay maaari pa rin magamit sa susunod na taon para sa manual elections. 

Ang mga local poll offices naman ng Comelec ay inabisuhan na huwag munang i-imprenta ang mga listahan ng botante dahil muling ipagpapatuloy ang voters’ registration.

Ang filing naman ng certificates of candidacy na itinakda mula Oktubre 23-29, 2022 ay hindi na rin ipagpapatuloy, gayundin ang pagpapatupad ng gun ban at campaign period dahil sa ipinagpaliban na ang Disyembre 2022 BSKE.

Ang BSKE ay itinakda na sa Oktubre 30, 2023 matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 11935, o ang “An Act Postponing the December 2022 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections, Amending For The Purpose Republic Act No. 9164, As Amended, Appropriating Funds Therefor, And For Other Purposes.”

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.