SINIRA ng 38-anyos na kahera ang tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng kanilang kompanya matapos tangayin nito ang halos kalahating milyong pisong dapat sana ay idedeposito niya sa bangko sa Malabon City.
Natuklasan lamang ang ginawang pangungulimbat ni Hazel Hilario, 38 anyos, matapos makita ng kanyang kapuwa kaherang si Myra Medenilla, 33 anyos, ang cash advance ng suspek na hindi nakalagay sa rekord kaya’t kaagad niyang ini-report ito sa kanilang punong tanggapan.
Nagsagawa naman kaagad ng pagsusuri si Raul Jaymalin, 38 anyos, Audit Supervisor ng kompanyang Brenton International Venture Manufacturing Corporation (BIVMC) na may sangay sa 76 P. Borromeo St. Brgy. Longos kung saan stay-in cashier si Hilario at dito na natuklasan na umaabot sa P466,340.58 ang nawawalang benta ng kompanya.
Dahil dito, kaagad na humingi ng tulong si Jerry Cabiao, security guard ng kompanya. sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na nagresulta sa pagkakadakip kay Hilario.
Sa pahayag ng testigong si Medenilla sa pulisya, tanging ang nadiskubre lamang niya ay ang P51,000 at P77,000 na cash advance na walang kaukulang rekord na ayon naman kay Jaymalin ay benta ng kompanya noong araw ng Miyerkules na dapat sana ay idineposito sa bangko.
Ayon sa pulisya, inamin naman ni Hilario ang ginawang pagtangay sa naturang halaga ng salapi.