Isang Malaysian, ilang Pinoy, nasagip mula sa POGO

Share this information:

ILANG mga Pilipino at isang Malaysian na nagtatrabaho sa isang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) company ang ni-rescue ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasay City.

Hatinggabi ng Martes nang harangin ng mga tauhan ng NBI ang ilang van sa kanto ng Williams at F.B. Harrison Street sa Pasay City makaraang humingi ng tulong ang Malaysian Embassy.

Ang mga biktima ay nakakaranas umano ng pang-aabuso buhat sa kanilang mga employer.

Target ng mga operatiba na i-rescue ay si Brandon Lo na nasa hustong gulang na.

Kasabay ni Lo, sinagip na rin ang mga Pilipino na sakay rin ng mga van at nagtatrabaho sa naturang POGO.

Ayon kay Lo, hanap niya ay ang matinong trabaho kaya siya pumasok sa naturang POGO company pero pang-aabuso ang sinapit niya at puwersahang pagtatrabaho.

Ayon kay Lo, inaabot sila ng hanggang 18 oras na trabaho kada araw at minsan ay ginugulpi pa sila kapag hindi sumusunod sa utos.

Sinabi pa ni Lo na isang scam umano ang napasukang POGO company na nanloloko ng mga kliyente.  

Marami umano sa mga trabahador dito ay mga Chinese nationals na inaabuso rin ngunit hindi makapagsumbong sa awtoridad dahil sa hindi alam ang gagawin at hindi marunong magsalita ng Ingles.

Dinala na sa NBI ang mga nasagip na POGO workers para kunan ng kanilang salaysay habang hindi muna pinangalanan ang POGO company habang wala pang kasong naisasampa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.