Investment firm umalma sa raid ng NBI

Share this information:

MARIING kinuwestiyon ng investment firm na Massdrop Marketing Ventures Corp.  ang ginawang pagsalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang tanggapan sa Pasig City kamakailan.

Sa isang pulong balitaan nitong Sabado, umalma ang ilang executives’ ng kumpanya sa pangunguna ng kanilang presidente na si Edgar Joseph Tan, sa naturang operasyon ng NBI at pagkondena sa pag-aresto sa kanya na walang batayan o anumang warrant.

Ayon kay Atty. Dj Jimenez, legal consultant ng kumpanya, wala silang alam na dahilan para sila ay salakayin ng NBI-Anti Fraud Division gayong kumpleto ang kanilang dokumento at business permit para sa kanilang operasyon.

Giit ni Jimenez na lehitimong kumpanya sila at hindi “investment scam” na gaya ng ipinaparatang sa kanila.

Paliwanag pa ng kumpanya, nagkakaroon lamang umano ng problema sa delay ng payout ng kanilang mga miyembro dahil sa kontroladong galaw sa panahon ng pandemya partikular ang urong-sulong na “lockdown”.

Palaisipan sa kanila ang ginawang pagpuntirya ng NBI lalo pat hindi malinaw kung ano ang naging basehan para sila salakayin at kalaunan ay walang maisampang reklamo laban sa kumpanya.

Tiniyak naman ni Tan sa kanilang mga miyembro na magtutuloy-tuloy ang operasyon ng kumpanya.

“Ang Massdrop Marketing ay itinayo para paga-anin ang buhay ng mga members nito at ang iba pang sasali dito. Bagamat dumaan ito sa isang pagsubok ngayon dahil sa isinagawang raid kamakailan, patuloy na tatapusin ng kompanya ang mga proyekto at partnerships nitong nasimulan para sa mas malaking Massdrop Marketing, gaya ng naipakita nito sa lahat ng members bago ang insidente,” pahayag ni Tan.

“Never nagkaroon ng delay sa payout ang kompanya, ngunit para sa seguridad ng lahat ng empleyado, mga branches at depots, pati na rin ng members, gumagawa ang management ng pinaka-mabisang paraan upang maipadala ang mga payouts sa mga members. Humihingi lamang po kami ng kaunting pasensya sa nangyayaring delay habang hindi pa operational ang head office pero sigurado pong magpapatuloy ang kompanya pati ang mga layunin nito,” dagdag pa nito.

Nagsimula ang kumpanya noong June 2020 na isang direct selling company na nagsasagawa ng online shopping at investments sa iba’t ibang mga negosyo kung saan ay nasa mahigit 400,000 ang kanilang miyembro.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.