SINIBAK ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang dalawang traffic enforcer nito matapos kumalat sa social media ang aktong pangongotong ng nasabing mga enforcer sa isang motorista sa Binondo, Maynila.
Sina Ruben Delbo Jr. at Edgardo Ladonga ay pinarusahan ng termination of service, batay sa inilabas na memorandum ni MTPB Director Dennis Viaje.
“In the interest of the service, your service as Job Order (Traffic Enforcer) in this office is hereby terminated, for committing irregularities in the performance of your duty,” saad sa nasabing memo.
“In this regard, you are directed to relinquish the ID and uniform issued to you to Mr. Wilson R. Chan Sr., Chief of Operations, this office. This shall take effect immediately,” saad ng memorandum.
Ang aktong pangongotong ng dalawang traffic enforcer ay nangyari sa kanto ng Sto. Cristo Street at Lavesares Street sa Binondo.
Ayon kay Viaje, ang pagsibak sa dalawang enforcer ay bahagi ng ipinapatupad na “one strike policy” ng MTPB laban sa mga tiwaling traffic enforcer alinsunod na rin sa kautusan ni Manila Mayor Francisco Domagoso na linisin ang kanilang hanay at ibalik sa kanila ang tiwala ng publiko partikular na ang mga Manilenyo.

