WALA nang okupadong mga kama sa mga quarantine area para sa COVID-19 sa lungsod ng Maynila.
Batay sa pinakahuling COVID-19 monitoring ng Manila Health Department, ang 14 na itinalagang COVID + Quarantine facilities at COVID suspect cases quarantine facilities ay pawang mga bakante o nasa zero percent na ang bed occupancy.
Nangangahulugan na bakante na ang lahat ng kama ng naturang mga pasilidad.
Ang anim na district hospital naman sa lungsod ay may mangilan-ngilan pang okupado o may kabuuang 41 kama o 8 percent mula sa inilaang 501 COVID-19 beds.
Ang COVID-19 Field Hospital naman ay mayroon pang 14 na okupado mula sa 344 na bed capacity.
Sa kasalukuyan, nasa 95 pa ang aktibong kaso sa Maynila, 88,552 ang recoveries at umabot na rin sa 1,724 ang mga namatay matapos madagdagan ng isa batay sa Disyembre 8 na monitoring.
Ang kabuuang kumpirmadong kaso naman ngayon sa Maynila ay umabot na sa 90,371.
Patuloy naman ang panawagan ni Manila Mayor Francisco Domagoso na nasa paligid lang ang COVID-19 kaya laging mag-iingat at sumunod pa rin sa health protocol na ipinatutupad ng gobyerno.