Hungary Government, umayuda ng mahigit P1-Bilyon sa Laguna Lake rehabilitation

Share this information:

NAGKALOOB ang Hungary government sa pamamagitan ng kanyang Hungarian Embassy sa Pilipinas, ng US$30,000,000 o katumbas ng tinatayang P1.44 bilyong piso para sa Laguna Lake projects at rehabilitasyon nito.

Ito ang inihayag ni dating mambabatas mula sa Taguig na si Alan Peter Cayetano kaugnay sa Laguna Lake Project Visit by the Philippines-Hungary Joint Commission for Economic Cooperation, na ginanap sa Lake Shore, Mercado del Lago, C-6 Road, Barangay Lower Bicutan nitong araw ng Biyernes.

Bukod kay Cayetano, dumalo rin sina Hungarian Ambassador to the Philippines Titanilla Totot, Mr. Istvan Joo ng Hungary Government, Department of Trade Industry (DTI) Undersecretary Ceferino S. Rodolfo, LLDA General Manager Joey C. Medina at Laguna Representative Dan Hernandez.

Natuwa naman si Cayetano sa ayuda ng Hungary para sa rehabilitasyon ng nasabing lawa kung saan maisusulong ang kabuhayan ng maraming mamamayan dahil inaasahang magiging tourist spot ang Laguna Lake Shore at maiibsan na ang mga matitinding pagbaha sa karatig lugar kasama ang Muntinlupa City, Rizal at Laguna na karugtong nito.

Samantala, inamin naman ni Hernandez na nasa 15,000 residente ng Laguna ang apektado ng baha sa konting buhos lamang ng ulan kahit walang bagyo dahil sa pag-apaw ng tubig mula sa Laguna Lake kaya umaasa siyang sa mga gagawing proyekto, programa at rehabilitasyon ay maiibsan na ang ganitong mga problema sa kanyang nasasakupan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.