Patay ang isang 46 anyos na dating barangay tanod matapos tumakas sa rehabilitation center sa Brgy. Tagapo, Sta. Rosa City, Laguna.
Kinilala ni Sta.Rosa City Police Chief Lt. Col. Vicente Amante ang dating barangay tanod na si Ramil Teodoro Vallejo ng Brgy. Aplaya.
Nakatakas din ang isa pang preso na si Arvin Ryan Ambatali Alora, 24 anyos ng 120 Alumos Subdivision, Bgy. Sto Domingo ng Sta. Rosa City.
Tumawag sa Sta.Rosa Police Station ang security guard ng rehab center upang ipaalam na nakapuga ang mga drug surrenders na nagtangkang wasakin ang kandado ng Dangal ng Pagbabago Rehabilitation Center sa Bgy. Tagapo bandang 7:57 ng umaga ng Sabado.
Ayon sa gwardiya, nagaagahan ang mga “detainees” nang biglang tumalon sa bakod na puno ng barb wires at mga basag-basag na bubog sina Vallejo at Alora.
Patay si Vallejo nang bumagsak sa lupa habang si Alora naman ay sugatang nakatakas .
Dinala si Vallejo sa Santa Rosa Community Hospital ngunit Idineklarang dead on arrival ni Dr. Jocel Dioneda.
Matatandaan na June 26, 2020 nang dalhin sa Dangal ng Pagbabago Rehabilitation Center si Vallejo matapos maging positibo ito sa isinagawang random drug testing sa ilegal na droga sa siyudad, habang si Alora naman ay nahaharap sa drug case nitong Enero 16, 2020.
Pinalabas na ito sa rehab dahil sa inaakalang magaling na ngunit muling ibinalik ng kanyang mga kaanak nitong October 16 matapos muling gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
