Holdaper, patay, isa pa, arestado sa armed robbery incident sa Tondo

Share this information:

ISANG lalaking hinihinalang holdaper ang patay habang arestado naman ang kanyang kasamahan, sa isang armed robbery incident na naganap sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng madaling araw.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station 1 (PS-1) Commander PLt. Paul Jady Doles, ang napatay na suspek ay nakilalang si Mark Kenneth Cabrigas, 27 anyos, habang ang naaresto niyang kasamahan ay nakilalang si Moises Alfero, 23 anyos.

Batay sa ulat ng MPD-Station 1, dakong alas-12:40 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Mel Lopez Boulevard sa Tondo.

Ayon kay Doles, hinoldap ng mga suspek ang isang 28-anyos na truck driver sa naturang lugar at puwersahang kinuha ang dala nitong P20,000 cash at isang mobile phone.

Natiyempuhan naman ng mga awtoridad ang insidente kaya’t kaagad na tinugis ang mga suspek para arestuhin.

Gayunman, sa halip na sumuko ay nagpaputok umano si Cabrigas sa mga pulis kaya’t napilitang gumanti ng putok ang mga ito, at tinamaan ang naturang suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang naaresto naman si Alfero.

Naisugod pa ng mga pulis si Cabrigas sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ngunit idineklara na rin itong dead on arrival.

Si Alfero ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong robbery with violence o intimidation of persons sa piskalya.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.