TINAWAG na katawa-katawa ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang hirit ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na i-regulate ang ang video content ng streaming platforms tulad ng Netflix.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni ni MTRCB legal affairs division chief Atty. Jonathan Presquito na may pangangailangang ma-regulate ang streaming service platforms.
Katwiran ni Presquito, maraming mga tao ang naka-subscribe sa movie streaming upang malibang ngayong nasa gitna ng pandemya ang bansa ngunit hindi nakokontrol ang mga nilalaman nito.
Pero masama sa panlasa ni Cayetano ang mungkahi ng MTRCB lalo na’t maraming problema ngayon ang taumbayan at ibang bagay ang nais unahin ng regulatory board.
“This is the kind of bureaucratic thinking that gives government workers a bad name. Ang dami na ngang problema ng mga kababayan natin, tapos ito pa ang gustong unahin ng MTRCB?” diin ni Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na kung gusto ng MTRCB na “sumakay” sa sitwasyon ngayon, dapat ay mag-isip ito ng mga paraan upang mapabuti ang industriya ng pelikula at telebisyon na napag-iiwanan ngayon ng mga bansa sa Asya sa kabila ng pagiging talentado ng mga Pilipinong artista, direktor, manunulat, at ng creative at production professionals.
“Ang irony pa dito, while Congress and other government agencies are doing everything it can to open up lines of communication with the public, and increase transparency – MTRCB is focused on the outdated mindset of information regulation and censorship,” diin ni Cayetano.
“Anong dekada na ba kayo?” dagdag pa nito.
Sa ilalim aniya ng Presidential Decree 1986, na lumikha sa MTRCB, hindi kasama sa hurisdiksyon nito ang video content ng video streaming sites.
“What makes this even more mind-boggling is that, in the first place, wala naman sa jurisdiction ng MTRCB ang Netflix and other online content. PD 1986, which granted powers to the MTRCB, limited its scope to ‘motion pictures, television programs and commercials intended for public exhibition in theaters and television,’ walang Netflix dyan. Kasi nga this law was crafted before the commercial use of the internet – and that medium has since grown by leaps and bounds,” ani Cayetano.
Pagpapaliwanag aniya ng Kamara ang MTRCB sa sandaling maisalang na sila sa budget deliberations na pinasimulan na ng House Committee on Appropriations.