KAPWA tutol ang Department of Education (DepEd) at ang Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) na ipinapanukalang academic freeze ngayong school year dahil sa pandemyang dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Education Undersecretary for Legislative Affairs, External Partnerships and Project Management Service Tonisito Umali, mayruong mahigit sa 24 milyong estudyante ang nakapag-enroll na para sa pasukan sa Oktubre 5.
“Yan ang maaaring tingnan na maraming mga anak na… wala pong gagawin sa gitna ng kanilang pagpapahayag (ng academic freeze),” ani Umali.
Giit pa ni Umali, may mga ginagawa na rin namang adjustments o pagbabago para sa implementasyon ng blended learning.
“Posibleng naninibago pa ang karamihan… kung kaagad na academic freeze ang gagawin natin eh baka mabigat naman po ito masyado,” dagdag pa ng DepEd official.
Naniniwala naman si COCOPEA managing director Joseph Noel Estrada na ang academic freeze ay magreresulta lamang ng kawalan ng pagkatuto ng mga estudyante.
“February pa or March pa ‘yong iba nahinto na ‘yong pag-aaral nila last school year at napakahabang panahon na ang lumipas bago nakabalik ang mga estudyante… Kung sa ordinary times ang isang estudyante nakapag-absent ng isang araw lang, katakot-takot na paghahabol ang kinakailangang gawin para ma-meet ang learning competencies,” paliwang nito.
Kung tutuusin aniya, simula nang maputol ang mga klase nuong magsimula ang health crisis ay mayruon na lamang na 70-porsyento ng pagkatuto ang makukuha ng mga estudyante sa subject na reading habang 50-porsyento sa mathematics at iba pang subject.
“Halos isang buong taon ang nawala sa kanila equivalent sa kanilang pag-aaral so makikita mo talaga na kailangang maghabol at ‘di ‘to maso-solve lalo kung magkakaroon ng academic freeze,” punto nito.
“Assuming na magkaroon tayo ng academic freeze, after 1 year pagbalik mo, nawalan ka na ng 1 year, uulitin mo pa ‘yong dapat mong inaral ngayong taon so lalong made-delay ang mga estudyante natin,” dagdag pa ni Estrada.