“Hindi kami anti-vaxxers”! – PAO

Share this information:

ITO ang mariing ipinahayag ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Atty. Persida Rueda-Acosta kasunod ng naglalabasang paninira sa kanila ng ilang mga personalidad na responsable sa pagpapakalat ng nakamamatay na bakunang “Dengvaxia”.

Sa ipinatawag na pulong-balitaan kahapon, iginiit ni Acosta na “fake news” ang mga ipinupukol na paratang laban sa kanila nina Dr. Esperanza Cabral at Dr. Lulu Bravo, na itinuturong mga board of directors’ ng Zuellig Pharma na umanoy “anti-vaxxers” ang PAO na naglalayong siraan ang institusyon at tuluyang mawalan ng kumpiyansa ang taumbayan sa COVID-19 vaccine campaign ng pamahalaan.

Nilinaw pa ng PAO chief na suportado ng buong ahensya ang bakuna kontra COVID-19 ng gobyerno.

Aniya naglalabasan ang nasabing mga paninira ng ilang grupo upang ibaling ang sisi sa PAO at magkaroon ng takot ang publiko sa pagpapabakuna laban sa virus.

“Hindi po namumulitika ang PAO, hindi po kami nakikialam sa pagdedesisyon nyan, suportado namin ang kampanya ng gobyerno para sa Covid-19 vaccine,” pahayag ni Acosta.

Nakikita ni Acosta na natatakot ang tao sa bakuna dahil sa nangyari nuon na kawalan ng konsultasyon sa mamamayan, karamihan sa mga nasa likod ng pagpapatupad ng bakuna ay may conflict of interest, ginawang exaggerated ang safety ng dengxaxia at huli na ng sinabing delikado ito sa hindi pa nagkakaroon ng dengue, gayundin ang ginawang pagmamadali sa pagpapatupad ng dengvaxia vaccine.

Sinabi ni Acosta na maaari pa rin na maibalik ang tiwala ng publiko sa bakuna kung bibigyan ng hustisya ang biktima ng dengvaxia, maparusahan ang pasimuno ng nasabing mass vaccination.

Hinamon naman ni Dr. Erwin Erfe, chief ng Forensic Laboratory Division na ipakita ang safety net o safety protocols para maraming mahikayat na magpabakuna.

“Ipakita nila (pharmaceuticals) ang safety profile para pagkatiwalaan ng publiko,” saad ni Erfe.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.