Health Care Ministry, itinatag dahil sa pandemya

IPINAG-UTOS ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ang pagbuo ng Health Care Ministry sa lahat ng mga parokya sa diyosesis bilang tugon sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ng Obispo sa online launching ng St. Camilus Center for Humanization in Health, na kaakibat ng pagbubuo ng health care ministry sa bawat parokya sa Diyosesis ng Kalookan ay pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan at mga barangay upang ganap na matugunan ang pangangailangan lalo na ng mga nagpositibo sa COVID-19.

“I asked them to put up a health care ministry in every parish in the context of the COVID-19 pandemic. I encourage them to enlist and organize volunteers, to use digital technology, to partner with the LGUs and the barangay health emergency response teams to reach out to people who are COVID-19 positive, whether symptomatic or asymptomatic, those quarantined at home and those in the quarantine facilities…” pahayag ni Bishop David.

Bahagi rin aniya ng health care ministry ng bawat parokya ay ang pagsasanay sa online monitoring ng mga volunteers upang sa pamamagitan ng makabago at ligtas na pamamaraan ay matulungan pa rin ang mga may sakit sa gabay na rin ng mga eksperto.

Bukod sa online monitoring sa mga nararamdamang sintomas ng mga may sakit ay layunin din nito na patuloy na maipadama sa may karamdaman ang pag-aaruga ng kapwa hindi lamang sa usaping pangpisikal at pangsikolohikal kundi maging pang-espiritwal.

Ibinahagi rin ni Bishop David ang pakikipagtulungan ng diyosesis sa lokal na pamahalaan upang higit na maging epektibo ang pagtugon sa pangangailangan ng lahat ngayong panahon ng pandemya.

Samantala, nagpahayag din ng suporta at papuri ang Obispo sa inilunsad na St. Camillus Center for Humanization in Health ng The Order of the Ministers of the Infirm (Camillians)-Philippine Province.

Ayon pa sa Obispo, isang napapanahong hakbang ang ginawa ng Camillians lalo na sa gitna ng panahon ng pandemya kung saan marami ang nangangailangan ng atensyong medikal at makataong pagtugon lalo na sa health care system.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.