“Handa kami sa anumang oral arguments tungkol sa paghuli kay FPRRD” — DOJ

SINABI ng Department of Justice (DOJ) na handa ang ahensiya kung sakaling magkaroon o magtakda ang Korte Suprema ng oral arguments kaugnay ng paghuli kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kasunod na rin ng pagtanggi ng Office of the Solicitor General (OSG).

Ito ang pahayag ni DOJ secretary Jesus Crispin Remulla nang dumalo ito sa Kapihan sa Manila Bay, isang lingguhang news forum.

Idinagdag niya na naniniwala siya na personal ang tanging dahilan ng OSG sa pagtanggi na maging kinatawan ng pamahalaan sa nasabing kaso.

Ito ay tungkol sa inihain na petisyon ng kampo ni dating pangulong Duterte nang arestuhin at dalhin siya sa The Hague, Netherlands upang humarap sa kaso nito sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Remulla na handa silang ipagtanggol ang naging hakbang ng gobyerno hinggil sa kaso ng dating pangulo.

Kaugnay nito, hinamon naman ni Remulla si Atty. Harry Roque na bumalik sa bansa at harapin ang mga reklamo laban sa kaniya sa halip na humingi ng asylum sa Netherlands.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.