ISANG babae na naka-angkas sa motorsiklo ng isang ride-hailing ang namatay matapos mahagip ang sinasakyang motorsiklo ng isang habang bumabagtas sa northbound lane ng Mel Lopez Boulevard sa lungsod ng Maynila Miyerkules ng umaga.
Ang rider naman ay napaulat na sugatan at tila nagka-trauma sa pangyayari.
Sa inisyal na ulat, nangyari ang aksidente bandang 11:30 ng umaga kung saan ang biktima ay nakasuot ng kulay itim na t-shirt, bulaklakin na shorts at tinatayang nasa edad na 20 pataas.
Base sa booking ng pasahero, galing ang ride-hailing app sa Paranaque at ang drop off ay sa Dagat-dagatan sa Caloocan.
Sa kuha ng CCTV ng barangay 39, makikita na binabagtas ng Move-It sakay ang kanyang pasahero ang kahabaan ng Mel Lopez Boulevard nang mabangga ng truck.
Sa kasamaang-palad, nang bumagsak ang motorsiklo ay nagulungan ang kalahating katawan ng biktima kasama ang kanyang ulo.
Hindi umano napansin ng rider ang paparating na truck sa kanyang likuran na kumabig sa kanan o nag-iba ng linya kaya sila nahagip.
Ang driver ng truck na umano ay tinangka pang tumakas pero naabutan siya ng mga tao sa barangay na nagmagandang-loob na tumulong. Hawak na ito sa ngayon ng barangay na nakakasakop sa lugar na pinangyarihan ng aksidente.

