NAITALA ng Philippine National Police (PNP) ang 2,807 mga indibidwal na lumabag sa pinaiiral na curfew sa National Capital Region at apat na kalapit-lalawigan sa unang araw na pinairal muli ang enhanced community quarantine (ECQ).
Batay sa datos na ipinalabas nitong Martes, naitala sa National Capital Region 1,894 curfew violations; Bulacan, 84; Cavite, 253; Laguna, 371; at Rizal, 205.
Ayon sa PNP, karamihan sa mga lumabag ay binalaan o pinagsabihan lamang at pinagmulta.
Ipinatutupad ang curfew mula alas-sais ng gabi hanggang alas-singko ng madaling araw sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal o NCR Plus hanggang Abril 4.
Nabatid pa sa PNP na tinatayang 57-porsyento o 1,591,988 motorista sa NCR ang nasa kalsada pa rin sa gitna ng ipinatutupad na paghihigpit. Aabot naman sa 39% o 36,460 public utility vehicles ang patuloy na bumibiyahe kahit may ECQ.
Iniulat din ng pambansang pulisya na mayruong tinatayang 124,584 APORs at 2,516 non-APORs ang nasa labas pa rin ng kani-kanilang tahanan kahit may ECQ. Karamihan umano sa mga APOR ay naglalakad sa kalsada dahil sa limitado at mahigpit na public transport guidelines.