Halagang P340k ng shabu, nakuha sa 19-anyos na estudyante sa Caloocan

KULUNGAN ang kahahantungan ng isang 19-anyos na estudyante dahil sa ilegal na droga.

Ito ay matapos makuhanan ang nasabing estudyante ng mahigit sa P.3 milyon halaga ng shabu sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Nadiskubre ang shabu matapos sitahin ng mga pulis ang estudyante dahil wala umano itong suot na face mask

Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., ang naarestong suspek ay si Joseph Sabsalon, isang estudyante at naninirahan sa No. 169 Bagong Sikat St, Brgy. 132, Bagong Barrio.

Paliwanag pa ni Col. Mina, nagsasagawa ang mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station (SS-5) sa ilalim ng pamumuno ni PLt. Lulius Villafuerte ng Oplan Galugad sa kahabaan ng Bagong Sikat St., Brgy 132 nang makita nila si Sabsalon sa lugar na walang suot na face mask na malinaw na paglabag sa City Ordinance # 0862 (Mandatory Facemask).

Kaagad itong nilapitan ng mga pulis para alamin ang pagkakilanlan subalit sa halip na isumite ang sarili ay tinangkang tumakas ng suspek kaya’t hinabol siya ni PCpl. Philip Siembre at PCpl. Carl Jay Loto hanggang sa makorner at maaresto.

Matapos kapkapan ay nakuha sa suspek ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang nasa 50 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P340,000.

Kasong paglabag sa Art. 151 ng Revised Penal Code (Disobedience of a Person in Authority or his Agent) at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng suspek.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.