Dockworker, nasawi sa aksidente sa trabaho sa Navotas

crime scene do not cross

ISANG 25-anyos na dockworker ang namatay matapos itong aksidenteng mahulog habang umaakto bilang sling man sa ibabaw ng container na binubuhat ng crane operator sa Navotas City.

Dead on arrival sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan si Jonathan Postrero ng Montalban, Rizal ayon kay Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Florencio Nalus, habang binubuhat ng crane operator na si Romeo Margin, 60 anyos, ng Kapak St. Brgy. 12, Dagat-Dagatan ang isang container, napag-alaman na nasa ibabaw ng container si Postrero at umaakto bilang sling man dakong alas-2:50 ng madaling araw sa loob ng TBS Container Yard sa Honorio Lopez Road, Brgy. NBBS.

Nagulat na lamang si Margin nang makita niyang nahulog ang biktima sa ibaba.

Kaagad namang bumaba mula sa crane si Margin at humingi ng tulong sa kanilang mga ka-trabaho. Mabilis namang naisugod ang biktima sa naturang pagamutan subalit idiniklera na itong dead on arrival.

Ayon naman sa pulisya, wala naman silang nakitang ebidensiya ng foul play sa pagkamatay ni Postrero dahil ito ay isang aksidente sa trabaho.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.