Guro, patay, mahigit 40 sugatan sa school bus na nahulog sa bangin

NASAWI ang isang guro habang sugatan ang tinatayang 46 na iba pa nang bumulusok sa bangin ang kanilang sinakyang school bus sa Orani, Bataan, Sabado ng umaga.

Nabatid mula sa Bataan Provincial Police Office na nangyari ang insidente dakong alas-11 ng umaga habang binabagtas ng school bus ang matarik na bahagi ng Vicinal Road, Barangay Tala ng nasabing bayan.

Sa ulat ng pulisya, karamihan sa mga biktima ay guro sa Payatas Elementary School sa Quezon City na pawang nagtamo ng minor injuries.

Galing umano ng farm resort ang mga guro at pauwi na ang mga biktima nang magkaproblema umano ang preno ng bus. Hindi naman nadamay sa aksidente ang isa pang school bus na kasamahan ng mga biktima.

Patuloy pang sinisiyasat ng pulisya ang insidente habang nabigyan na rin ng atensyong medikal ang mga nasugatang biktima.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.