ARESTADO ang dalawang lalaki na nakatala bilang Most Wanted Person (MWP) sa Valenzuela City sa magkahiwalay na manhunt operation alinsunod sa kampanya ng Philippine National Police (PNP) kontra wanted persons sa lungsod.
Pinuri ni Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr. ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pamumuno ni PLt. Robin Santos sa matagumpay na pagkakaaresto sa MWP na si Wendell Colao, 22 anyos, ng Gumamela Extension, Brgy. Gen T. De Leon.
Ayon kay Col. Destura, nagsagawa ng manhunt operation in relation to SAFE NCRPO ang mga tauhan ng WSS na nagresulta sa pagkakadakip kay Colao sa kanyang bahay dakong alas-4:06 ng hapon.
Ayon kay PLt. Santos, si Colao ay dinakip nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Mateo Altarejos ng Family Court Branch 16, Valenzuela City para sa kasong Statutory Rape in Relation to Sec. 5 (B) ng Republic Act 7610.
Samantala, dinampot naman ng mga operatiba ng Detective Management Unit (DMU) sa pangunguna ni PLt. Ronald Bautista ang isa pang MWP na si Bingbong Doma, 23 anyos, ng Sapphire St. Brgy. Dalandanan sa isinagawang manhunt operation sa A. Pablo St., Brgy. Karuhatan bandang alas-5:00 ng hapon.
Si Doma ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Romillo Camarillo ng Regional Trial Court Branch 107, Valenzuela City para sa kasong Robbery in an Uninhabited Place or in a Private Building (Art. 302 ng Revised Penal Code).