Grupo, humiling ng Agri summit at ipatigil ang price ceiling

Share this information:

Umapela  ang Pork Producers Federation of the Philippines kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng Agricultural Summit upang magkaroon ng win-win solution hinggil sa problema ng suplay ng baboy at manok sa bansa.

Sa media forum, sinabi ni Pork Producers Federation of the Philippines Vice President Nicanor Briones na sa nasabing summit ay dapat isama ang lahat ng mga retailer, dealer, supermarket at iba pa sa  Office of the President na pangungunahan ni  Executive Secretary Salvador Medialdea.

Hiniling din nito na tigilan na ang pagbibigay ng price ceiling sa karne ng baboy na ipinatutupad sa Metro Manila dahil  apektado  na ng husto ang mga trader at mga retailer, maging ang mga consumer. 

Sa pamamagitan aniya ng  national agri-summit ay direktang maririnig ng Pangulo ang ilang mga problema ng mga magbababoy o magmamanok.

Giit nito, hindi makakatulong ang hakbang ng Pangulo  na kauna-unahan sa kasaysayan ng mga magbababoy sa bansa.

Ayon pa kay Briones, 95 porsiyento ang tumigil na mga biyahero at retailer para magdala ng  baboy sa Metro Manila kaya napaparusahan aniya higit sa lahat ang mga konsyumer.

Dagdag pa nito na hindi mangyayari ang sinasabi ni Department of Agriculture Secretary  William Dar na magkakaroon ng re-population dahil ang pag-aalaga aniya ng baboy ay gugugol pa ng mahabang panahon.

(Photo credit: pna.gov.ph)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.