Batang sangkot noon sa pagnanakaw, itinumba

Share this information:

RIZAL–Tinambangan kagabi ng dalawang lalaking naka-motorsiklo ang isang lalaking  dating nakulong dahil sa pagkakasangkot nito sa mga kaso ng pagnanakaw sa kanilang lugar.

Nakilala ng Antipolo City Police Station ang biktimang si Arjay Garcia Padiragao, nasa wastong gulang, ng Barangay Dalig, Antipolo City, Rizal.

Bandang alas 6:30 ng gabi habang nagre-repair ang biktima  ng kanyang motorsiklo sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. Dalig ay bigla na lamang may dumating na dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo.

Bumunot ng baril ang mga suspek saka  pinagbabaril si Padiragao at sabay tumakas papalayo sa di pa malamang direksyon.

Agad na dinala sa Rizal Provincial Hospital Annex ang biktima ngunit idineklara na itong Dead On Arrival ng doktor.

Lumalabas sa Antipolo City Police noong menor de edad pa lamang ang biktima ay palagi na itong  nasasangkot sa iba’t-ibang uri ng pagnanakaw sa kanilang lugar  kaya’t inilagay ito pansamantala sa pangangalaga ng Bahay Kalinga.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang mga suspek sa pamamaslang sa biktima.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.