HINIMOK ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang Commission on Elections (Comelec) na magtalaga ng nag-iisang kinatawan na dadalo sa lahat ng legislative hearings.
Umaasa si LENTE Executive Director Ona Caritos na sa loob ng tatlo hanggang anim na taon ay mayroon nang permanenteng tao na siyang dadalo sa legislative hearings.
Sinabi ni Caritos na ito ay lalong mahalaga para sa mga pagdinig sa mga iminungkahing panukalang batas tulad ng mga pagbabago sa Omnibus Election Code o sa absentee voting sa ibang bansa.
“If there’s a permanent legislative person assigned by Comelec to attend these congressional hearings, then we could focus more on the passage of a new Omnibus Election Code, which would probably address our problems on vote-buying, misinformation, disinformation, our antiquated finance laws on spending… and we need to have a contribution limit,” saad ni Carlitos
Samantala, sinabi rin nito na nais nilang magpatuloy ang Comelec Task Force Kontra Bigay at Task Force Kontra Fake News.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Comelec Chairman George Garcia na hinihirit nila na buhayin ang Comelec at ang Department of Justice joint panel.
Sinabi ni Garcia na kailangan ng batas at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya.
Nais din ni Garcia na muling tukuyin ang Section 261 ng Omnibus Election Code na tumatalakay sa pagbili ng boto.
Sinabi nito na panahon na para taasan ang penalty sa vote-buying. Gayundin, nais ni Garcia na maparusahan ang mga pulitiko na nangunguna sa vote buying.
Samantala, sinabi pa ni Garcia na sisilipin nila ang kontrata sa telecommunication companies upang tingnan kung makakapagbigay sila ng call detail records.