Nasa kritikal na kalagayan ang isang 43-anyos na ginang matapos pagsasaksakin ng lalaking kabarangay sa Malabon City kamakalawa ng umaga.
Inoobserbahan pa sa Tondo Medical Center ang biktimang si Juanita Lendo, 43 anyos at residente ng Brgy. Catmon, sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na kinilalang si Michael Cortan, 35 anyos, ng Sitio Gulayan St., Brgy. Catmon.
Sa report nina police investigators PSSgt. Micahel Oben at PSSgt. Jose Romeo Germinal kay Malabon police chief Col. Joel Villanueva, dakong alas 5:30 ng umaga, nasa kahabaan ng Gulayan St. Brgy. Catmon ang biktima nang sa hindi malaman na dahilan ay inundayan ito ng mga saksak sa katawan.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon subalit kaagad namang naaresto sa follow-up operation ng mga tauhan ng Sub-Station 4 at narekober sa kanya ang ginamit na kitchen knife habang isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan.

