MATINDING selos umano ang nagtulak sa isang lalaki para mapatay ang sarili nitong asawa sa Barangay Zone 6 sa bayan ng Bayambang, Pangasinan.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, pinagdudahan ng suspek na si Ronmel de Guzman na may ka-chat na ibang lalaki ang kanyang 25-anyos na misis na si Geneva.
Nagtamo ng mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang ginang nang panggigilan ng nagalit na suspek.
Sinasabi ng pulisya na lasing na umuwi Ronmel at walang sabi-sabing pinagsasaksak ang kanyang asawa.
“Siguro nung nahuli nung huli, naglasing muna. Nung nalasing ayun, wala raw anu-ano, walang pag-aaway na narinig yung mga kapitbahay. Talagang nung umuwi na lasing, pinagsasaksak na yung asawa niya,” pahayag naman ni Police Lieutenant Normal Florentino, hepe ng Bayambang Police Station.
Agad namang nadakip ang mister na aminadong nagawa ang krimen dahil sa labis na pagmamahal sa asawa. Binanggit pa nito na binalewala niya nuon ang umano’y panloloko ng kanyang misis dahil mahal niya ito ngunit napuno na siya kaya’t nagawa ang krimen.
Hindi naman naniniwala ang pamilya ng biktima sa alegasyon ni Ronmel at bagamat humingi ng tawad ang suspek ay ipupursige pa rin ang pagsasampa ng kaso rito.