3 kandidato bilang PNP Chief, isinumite na kay Pangulong Duterte

Share this information:

TATLONG pangalan ng pagpipilian na susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP) ang naisumite na ni Interior Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, tumanggi muna si Año na tukuyin ang mga matataas na opisyal ng PNP na inirekomenda ng National Police Commission (Napolcom).

“Ayokong magbigay ng description kasi ang dali-daling mahulaan ‘yan, basta tatlong senior officials from the Philippine National Police and ito naman ay resolution ng Napolcom so ito ay isang collegiate decision,” pahayag ni Año sa mga mamamahayag.

Hindi rin binanggit ng kalihim ang posibilidad na mapalawig pa ang termino ni PNP chief Police General Camilo Pancratius Cascolan, na nakatakdang magretiro sa Nobyembre 10.

“It’s only the President, alam mo naman ang power ng Presidente,” ayon sa opisyal na hindi rin inaalis ang posibilidad na ma-extend si Cascolan dahil sa COVID-19 pandemic.

“Puwede niyang i-extend kasi meron naman tayong pandemic,” dagdag nito.

Sa isang hiwalay na pulong balitaan, sinabi ni Cascolan na hindi nila napag-uusapan ni Pangulong Duterte ang posibilidad na mapalawig ang kanyang termino.

“If he will be calling me, susunod lang po tayo sa kautusan. Trabaho lang po tayo,” ani Cascolan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.