Garapalang katiwalian

Share this information:

TALIWAS sa pangako ng Pangulong tutuldukan ang katiwalian sa pamahalaan, lalong lumala ang problemang dulot ng tila hindi kumbinsido sa sinseridad ng administrasyong Duterte na wakasan ang nakamulatang tradisyon sa gobyerno.

At kung babalikan ang kasaysayan, ang kasalukuyang administrasyon ang nakapagtala ng pinakamatinding eskandalong dala ng mga mismong taong nagdala sa kasalukuyang Pangulo sa Palasyo. Sila yaong buong sigasig na nagtulak sa kandidatura at nangalap ng pondo para sa kampanya ng noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Patunay ng garapalang katiwalian ay ang P1.08 milyong ginastos ng isang regional office para sa catering services para sa kanilang virtual meeting.

Ano nga ulit? Virtual meeting ba kamo?

Nakakatawa pero totoo at ito’y batay sa ulat ng Commission on Audit (COA) sa kanilang pagsusuring bahagi ng 300-pahinang audit report kung saan nalantad ang mahabang talaan ng mga alingasngas sa paggamit ng pondong ipinagkatiwala ng hindi bababa sa 109 milyong Pilipino sa mga taong gobyerno.

Sa nasabing COA report, napuna ang P1.08 million gastos sa catering ng Department of Health (DOH) Region 6 – Center for Health Development (CHD) office para sa virtual meetings, na hindi naman kailangan dahil ang mga kasali ay nasa kani-kanilang workstations. 

Ayon sa COA, kasama ang catering services sa kabuuang halagang P557 milyon gastusin sa regional offices ng DOH na iregular, hindi kailangan, at kalabisan. 

Susmaryosep naman… paano kaya nagse-serve ng pagkain ang sinasabi nilang caterer sa mga dumalo sa virtual meeting?

Iregular din daw ang paggasta ng P2.1 million na hazard pay para sa mga tauhan sa Region 7 na hindi naman physically present sa trabaho at iyong may mga naipong leave of absence. Kalabisan din daw ang pagbabayad sa Region 2 ng hazard pay para sa mga tauhan na lagpas sa itinakda.

Mantakin mong ang mga frontliners halos lumuha ng dugo sa pakikiusap kay DOH Secretary Francisco Duque para i-release ang kanilang hazard pay, tapos yung ibang kawani ng DOH na nasa work-from-home set-up tumatanggap ng hazard pay?

Isa lang ang DOH sa mahabang talaan ng mga ahensyang nakikitaan ng tambad na katiwalian – at hindi lang pangkaraniwang katiwalian kundi garapalang pagsasamantala sa gitna ng pandemya.

Ang siste, limitado ang poder ng COA pagdating sa pagsusuri ng paggasta ng gobyerno sa pera ng sambayanan. Ang tangi lang nilang pwedeng gawin ay magbigay ng rekomendasyon kung paano isasaayos ang gusot.

Wala rin namang maasahan sa Pangulong Duterte dahil sa hayagan niyang disgusto sa COA. Bakit nga naman hindi – eh puro tuta niya ang nasasagasaan?

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.