NASABAT ng pinagsamang puwersa ng Task Force Aduana ng Bureau of Customs (BoC) at ng Philippine Coast Guard (PCG) ang apat na yate na hinihinalang ipinuslit mula China habang naka-angkla ang mga ito sa Manila International Terminal (MICT) Pier sa Maynila nitong Huwebes, August 19, 2021.
Bukod sa nabanggit na mga yate, sakay pa sa sasakyang-pandagat ang anim na Pilipinong tripulante na nagbabantay at sila ay natukoy na sina Angelo Casimero, Boat Captain ng Yue Hai Ming Zhu; Jerryco Magno, boat captain ng Le Boss; Rio Mar Hormillosa, Albert Casimero, Christian Joy Blancaflor at Banadicto Calinyao.
Nabatid na ang nabanggit na crew ng apat na smuggled Chinese yacht ay galing pa sa isla ng Boracay.
Ayon sa report, tinungo ng mga operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Coast Guard Intelligence Group (CGIG) ang apat na yate para inspeksyunin dahil sa kahina-hinalang pagsulpot ng mga ito sa naturang pier nitong magkasunod na petsa ng August 18 at August 19.
Bukod sa dalawang yate na Yue Hai Ming Zhu at Le Boss, Gu Cheng Gang Guan at Yuzhen 8 ang pangalan ng dalawa pa.
Isang Chinese-Filipino na si Cristo Uy ang napasugod sa lugar ng inspeksyon at agad itong nagpakilala bilang corporate secretary na namamahala sa naturang mga yate.
Nang kuwestiyunin sa mga dokumento ay walang maipakita si Uy sa mga awtoridad kaya naman kinumpiska ng customs ang apat na Chinese yacht. Isasailalim sa Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang mga yate habang patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso.

