Ganito sila sa Makati: Suweldo ng mga nurse, tinaasan ng Makati City government

Tinaasan ang suweldo ng mga nurse sa lungsod ng Makati bukod pa ang libreng transportasyon, tirahan, economic relief allowance at marami pang iba.

Ikinatuwa mismo ni Makati City Mayor Abby Binay ang pagtaas ng sahod sa mga nurse na karapat-dapat lamang dahil sa sakripisyo sa kanilang ginagampanan tungkulin sa gitna ng pandemya.

Aprubado ng Sangguniang Panlungsod ang karagdagang budget na P55.17-milyon upang maipatupad ang pagtaas ng sahod sa entry-level position na Nurse 1 sa Salary Grade 15 mula sa Salary Grade 11, na sakop ang 56 na bagong nurse na tinanggap ng lungsod simula noong Marso.

Sinabi ni Binay, malaking bagay na ang nadagdag na P9,737 sa buwanang sahod ng bawat nurse 1, na itinaas sa P32,053 mula sa dating P22,316, upang mapabuti ang kalagayan nila lalo na ang mga tumatayong breadwinner ng pamilya.

Dagdag pa ng alkalde, dapat lamang suklian ang kanilang mga pagsusumikap bilang front liners sa patuloy na pakikibaka ng bayan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Umaasa din si Binay na maeengganyo ng mas mataas na sweldo ang mga nurse na bumalik sa kanilang propesyon maglingkod sa mga kapwa Pilipino, sa halip na pumasok sa ibang trabaho o mangibang-bansa.

Simula noong Marso, tumanggap ang lungsod ng 38 bagong nurse para sa Makati Health Department (MHD) at 18 para sa Ospital ng Makati (OsMak).

Sa kabuuan, may 493 mga nurse ang nagtatrabaho sa pamahalaang lungsod, na kinabibilangan ng 353 sa OsMak; 114 sa MHD; lima sa Disaster Risk Reduction and Management Office; 14 sa Education Department; anim sa University of Makati; at isa sa General Services Department.

Bukod sa basic salary, tumatanggap din ang health workers ng Makati ng personnel economic relief allowance, hazard pay, subsistence allowance at laundry allowance.

Prayoridad din sila sa ibinibigay na libreng swab test at pagbabakuna laban sa flu at pneumonia, personal protective equipment (PPE) at libreng bitamina at iba pang mga benepisyo.

Binibigyan na rin ang mga nurse ng libreng transportasyon pati na ang kanilang matutuluyan para sa mga malalayo ang inuuwian.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.