Upang matugunan ang mga pangangailangan sa kalusugan ng mga empleyado ng Bureau of Customs (BoC)-Port of NAIA partikular ang mga frontliners nito ay binuksan na ang Medical Clinic sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang nabanggit na clinic ay matatagpuan sa customs house building sa loob ng paliparan na kung saan ay magsisilbing pangunahing tutugon sa response unit ng Collection District upang suportahan at obserbahan ang mga health protocols.
Ang itinayong klinika ay dahil sa pagsisikap ng mga empleyado ng NAIA sa pagbibigay ng mga serbisyo at walang patid na operasyon sa gitna ng banta ng COVID-19.
Ayon kay District Collector Carmelita ‘Mimel’ Talusan, ang mga hakbanging ito ay bilang pagtugon sa programa ng Bureau of Customs at pakikipag-ugnayan na rin sa mga stakeholder partikular sa pagbibigay ng sapat na komunikasyon at pagpapahusay sa kapakanan ng mga tauhan nito.