Inaprubahan na ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mungkahi ng Centro Escolar University (CEU) na magsagawa ng limitadong face-to-face classes bagamat nasa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.
Inaprubahan ni Domagoso ang mungkahi kasunod ng pagpupulong sa pagitan ng CEU at ng alkalde kahapon.
Kasama rin sa pulong sina CEU School of Dentistry Dean Dr. Pearly Lim, CEU Community Dentistry head Dr. Felipe Wilfredo Espineli, at CEU Security Department head Col. Nicanor Grino.
Bilang kinatawan naman ng CEU department heads, sinabi ni CEU President Dr. Maria Cristina Padolina kay Domagoso na ang pagtatapos ng kanilang mga mag-aaral ay naantala ng isang taon dahil sa kawalan ng “practicum” dahil sa quarantine restrictions na ipinataw ng gobyerno.
Ayon kay Dr. Padolina, saklaw ng CEU ang limitadong face-to-face classes para sa graduating students mula sa School of Dentistry.
Bilang tugon, sumang-ayon si Domagoso na ang pamahalaang pang-lungsod at mga institusyong pang-eduaksyon sa Maynila ay hindi makakalayo kung hindi umuusad.
Binigyang-diin din nito ang pangangailangan ng mas maraming nagtapos para sa sector ng kalusugan sa bansa.
“Wala tayong maa-achieve if we stagnate. We believe in those institutions who will ask the permission of the City to hold limited face-to-face classes,” ayon pa kay Domagoso.
Samantala, sinabi ng alkalde sa pamunuan ng CEU na maaaring makakuha ng libreng swab test mula sa Manila LGU kung kinakailangang magpa-test ang kanilang mga estudyante.