CAMP VICENTE LIM, CALAMBA CITY, LAGUNA – Pinagbabaril ang isang 50–anyos na negosyante at dating Barangay Chairman kaninang alas-7 ng umaga sa harap mismo ng kanyang bahay sa Brgy. San Vicente, Sto. Tomas City, Batangas.
Kinilala ni Batangas Provicial Police Director Pol .Col. Rex Arvin Malimban ang biktimang si David Garcia y Chavez, 50 anyos at residente ng Brgy. San Vicente, Sto. Tomas City.
Ayon sa report ni PLt. Mary Ann De Villa Espina, Chief Provincial Information Office, bandang alas 7 ng umaga ng makatanggap ng isang tawag ang Sto. Tomas City Police Station na di-umano ay pinagbabaril si Chavez ng di pa nakikilang mga suspek na sakay ng isang itim na SUV.
Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa katimugang bahagi ng probinsya.
Iniwan namang nakahandusay ang duguang biktima na tadtad ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Sa mga oras na ito ay kasalukuyan pa ring isinasagawa ang imbestigasyon sa nasabing krimen.
Inaalam pa rin ng pulisya kung ano ang maaaring motibo at pagkakakilanlan sa mga tumakas na suspek.