Epalloid pala!

Share this information:

HINDI pa man nagsisimula ang itinakdang panahon para sa pangangampanya para sa 2022 general elections, masigasig na ang maniobra ng mga pulitikong pumupustura. Lokal man o nasyunal na pwesto, hala bira na ang mga pulitiko.

Pero iba ang bayan ng Taytay na higit na kilala bilang “Garments Capital of the Philippines.” Dito kasi hindi uso ang taympers kesehodang may pandemya.

Ang siste, pati kabuhayan ng mga kapitalista at maliliit na negosyante, pinuputakte ng mga nag-iinarte. Katunayan, isang negosyante ang nadamay pa sa pamumulitika ng isang pulitkong feeling artista. Dangan naman kasi gumawa pa ng usapin nang ang kanyang higanteng billboard ay baklasin.

Ang feeling artista, biglang nagdrama. Ang peg niya, ibintang sa gobyerno ang pagbabaklas ng kanyang dambuhalang mukhang nakabalandra sa dilentera ng isang Rotonda.

Hindi na bago ang gimik sa pulitika sa hangaring di mawaglit sa isipan ng masa. Pero ang pagpapakalat ng tsismis dapat walang mintis, walang bakas – ika nga, malinis.

Huwag na natin idaan sa paligoy-ligoy. Kaninong mukha ba ang nakabalandra sa Rotonda? Batay sa pahayag ng negosyanteng may-ari ng espasyong pina-arkila, ang tinukoy niya ay si Pia Cabral na isang konsehala.

Sabi nito, hindi dapat big deal ang pagbabaklas ng dambuhalang billboard ni konsehala kasi naman daw, tapos na ang kontrata. Maliban pa doon, karapatan nilang humanap naman ng bagong kabuhayan. Hindi din niya nais pang magamit pa sa pulitika.

Ano daw? Tama, ayaw niyang magamit sa pulitika.

Paglilinaw ni kapitalistang Cherry Pie Balabad na may-ari at tumatayong Marketing Manager ng Holistic Marketing Services Communications Firm Corporation, sila’y namumuhunan ng pera para kumita at hindi para lang masuba o matengga habang naghihintay sa wala.

Sa isang kalatas na ipinalabas ng nasabing kumpanya, binaklas umano nila ang nasabing billboard ni Konsehala dalawang linggo pagkatapos mapaso ang kontrata, bagay na ginawang intriga sa layuning umangat o pag-usapan sa social media.

At eto pa – akala kasi nila, negosyo ang ilalaman sa dambuhalang billboard. Tama naman kaso nga lang kapiraso lang pangalan ng negosyo sa billboard. Higit na prominente ang pagmumukha ni Cabral na kandidato pala ngayon para Vice-Mayor ng nasabing bayan.

Susmaryosep! Akala ko corporate endorser sa dambuhalang billboard. Epalloid pala!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.