TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) na aaksiyonan nila ang petisyon na nagpapakansela sa kandidatura ni dating Senador Bongbong Marcos para sa pagka-pangulo para sa 2022 national elections.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ira-raffle ang mga petisyon sa susunod na linggo upang malaman kung aling dibisyon ang hahawak ng kaso.
Kasunod nito ay magpapadala na ng summon sa magkabilang panig.
“Kasama ng ilang cancellation petition na natanggap natin..inihahanda yan for raffle, magkakaroon tayo ng raffle para madetermine na natin kung aling dibisyon na maghahandle ng kasong yun,” ayon kay Jimenez
Inaasahan na sa susunod na linggo o sa Lunes magaganap ang raffle.
Sa petisyon na isinumite sa Comelec laban kay Marcos, tinutukoy ang pagpataw sa kanya ng pagkakakulong ng QC Regional Trial Court dahil sa hindi pagbabayad ng buwis at hindi pagsisumite ng Income Tax Return (ITR) mula 1982 hanggang 1985.
Sa apela ni Marcos, pinagtibay ng Court of Appeals ang guilty verdict ng QC RTC sa kaso ng kabiguan ni Marcos na mag file ng ITR.
Ayon sa kampo ni Marcos, ang ibinigay lang na hatol kay Marcos ay ang pagbabayad ng penalty at walang pagkaka-kulong.
Wala din findings ng tax evasion, ayon kay Atty. Vic Rodriquez, tagapagsalita ni Marcos.
Tanging ang hindi paghahain lamang ng ITR ang pananagutan ng dating senador.
Ayon kay Jimenez, hindi bababa sa anim na linggo bago makapaglabas ng resolusyon sa petisyon laban sa pagpapakansela ng Certificate of Candidacy ni Marcos dahil hindi lamang iisa ang petisyon na nakahain ngayon sa komisyon.

