ANG Executive Order na nagpapahintulot sa boluntaryong pagsusuot ng face mask sa labas ay hindi nakatali sa Alert Level System para sa Coronavirus disease 2019 (Covid-19), ayon kay Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.
Paglilinaw ni Vergeire, kahit may Alert Level 2 na mga lugar ngayon ay maaari pa ring ipatupad ang optional mask mandate.
“Hindi na natin kailangan ng mga bagong triggers na, meron po tayo na mga pamantayan through our alert level system,” sabi ni Vergeire.
Ang pag-abot sa ikatlong antas ng alerto at pagkakaroon ng moderate to high risk health care utilization ay sapat na mga indikasyon ng sitwasyon ng COVID-19 sa isang lugar, ayon pa sa health official.
“Kapag dumating siguro ang dalawang lugar, tatlong lugar, na nagte-trend na tayo, na nag-a-alert level 3 na ang maraming lugar of course that’s for our government to check again our policy and try to revise it kung kinakailangan,” dagdag pa ni Vergeire.
Dahil dito, hinikayat ng DOH ang mga senior citizens at iba pang immunocompromised individuals na kumpletuhin ang kanilang primary COVID-19 vaccination series at magsuot ng face mask kapag lumalabas ng bahay.