APAT na pulis ang sugatan, kabilang ang dalawang opisyal, matapos maka-engkwentro ang dalawang lalaki na sisilbihan sana ng warrant of arrest sa Maynila.
Nakilala ang mga sugatang pulis na sina PLt. Col. John Guiagui na hepe ng Manila Police District (MPD) District Intelligence Division, MPD-SMaRT Chief, P/Maj. Dave Apostol, PMSgt. Julius Omolon at PCpl. Keith Paul Valdez.
Sa imbestigasyon, magsisilbi sana ng warrant ang mg pulis kasama ang mga tauhan ng MPD Station-1 laban sa target na si Archie Juco na mas kilala sa alyas na RJ Bata at isang alyas Macmac na pawang mga miyembro ng Alcantara Criminal Group.
Sa halip na sumuko, tumakbo paakyat ng kanilang bahay at tumalon sa bubong ng mga kapitbahay sa Pinoy St. Barangay 145, Balut, Tondo ang mga suspek saka nagsimulang magpaputok ang mga ito sa mga pulis.
Dito na gumanti ng putok ang mga operatiba kaya napatay ang dalawang suspek habang dinala sa magkakaibang hospital ang mga sugatang pulis kung saan si Apostol ay tinamaan ng bala sa tuhod habang sa kamay naman si Guiagui.
Ang mga suspek ay sangkot umano sa gun-for-hire na aktibidad at kalakalan ng droga sa Maynila kung saan ang target na si Juco ay sangkot sa pagpatay o murder kaya sinilbihan ng warrant of arrest.