Breaking News

Share this information:

INAASAHAN na ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na posibleng magkaroon ng pagbaba ng voter turnout sa nalalapit na 2022 national elections sa bansa bunsod na rin nang patuloy na banta ng COVID-19.

Ang pahayag ay ginawa ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon, kasunod ng kanyang panawagan sa pamahalaan na gawing prayoridad ang pagbabakuna sa mga election workers upang mapaigting pa nila ang mga voter registration sa mga barangay.

Kailangan po sa election natin, kailangan po ang registration talaga kasi ang turnout, ako personally, ang tingin ko bababa talaga,” ayon kay Guanzon sa panayam sa radyo at telebisyon.

Ang panawagan po namin sa mga mayor at IATF [Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases], kung puwede po i-prioritize po ang election personnel namin sa Comelec para maka-barangay satellite registration na po kami,” aniya pa.

Aniya pa, “Natatakot po talaga ang mga tao lumabas lalo na po yung may mga edad na.”

Nabatid na ang voter turnout noong nakaraang eleksiyon ay nasa 70 percent, na ayon kay Guanzon ay mataas na aniya sa Philippine standards.

Ang national average natin sa turnout last election is 70 percent, mataas po yun,” aniya pa.

Base naman sa pinakahuling available na datos ng Comelec, mayroon nang mahigit sa 3.2 milyong bagong voter registrants sa bansa.

Matatandaang nagsuspinde ang Comelec ng voter registration sa NCR Plus areas matapos na magpatupad doon ang pamahalaan ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ dahil sa paglobo ng mga naitatalang kaso ng COVID-19.

Muli namang sinimulan ang voter registration sa naturang mga lugar matapos na paluwagin ang quarantine classification sa general community quarantine (GCQ).

Ipinagpatuloy na rin ng Comelec ang pagsasagawa ng satellite registration, bilang bahagi ng pagsusumikap na mas maraming bagong botante na mairehistro para sa susunod na eleksiyon.

Ayon sa Comelec, maaari nang muling magparehistro ang mga botante mula Lunes hanggang Biyernes, ganap na 8:00AM hanggang 5:00PM sa pinakamalapit na election office sa kanilang lugar.

Ang voter registration sa bansa ay inaasahang magtatagal hanggang sa Setyembre 30, 2021 lamang.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: