Drayber at may-ari ng SUV na nakabangga at ikinasawi ng motorcycle rider sa Maynila, ipinatatawag ng LTO

Share this information:

PASISIMULAN na ng Land Transportation Office (LTO) ang imbestigasyon nito laban sa drayber at may-ari ng Sports Utility Vehicle (SUV) na nakabangga at ikinasawi ng motorcycle rider sa Maynila.

Kasunod ito ng ipinalabas na show cause order ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) na nag-aatas sa drayber at may-ari ng Subaru Forester na may plakang AMC-528 na humarap sa tanggapan nito sa LTO Central Office sa Quezon City sa darating na Lunes, Nobyembre 7, alas-10 ng umaga.

Pinagpapaliwanag ang drayber ng SUV kung bakit hindi ito dapat madiin sa mga administratibong kaso tulad ng Reckless Driving at kung bakit hindi dapat masuspindi o mabawi ang lisensya nito dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle, alinsunod sa Sec. 27(a) ng Republic Act 4136.

Bunsod na rin ng bigat ng ginawang paglabag, naka-alarma na ngayon ang pangalan ng drayber/may-ari ng SUV at ang sasakyan nito habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat.

Sakaling mabigong sumipot ang drayber/may-ari ng SUV at hindi makapagsumite ng paliwanag ay nangangahulugan ito na kanyang isinusuko ang karapatan na marinig ang panig at magpapasya ang IID batay sa mga ebidensya.

Ikina-alarma naman ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III ang pagtaas ng mga katulad na insidente kaakibat ng pagtitiyak na patuloy na pagbabantay ng ahensya upang maagap na umaksyon laban sa mga drayber na hindi gumagalang sa batas-trapiko.

The frequency of these kinds of incidents happening around us is getting to be alarming. The LTO will continue to be vigilant in monitoring these cases and render immediate action to serve as example and lesson to other drivers,” pagdidiin ni LTO Chief Guadiz.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.