Aktibong pulis, isa pa, kalaboso dahil sa baril sa Caloocan

Share this information:

DALAWANG katao, kabilang ang isang pulis, ang pinosasan ng mga awtoridad matapos mahulihan ng baril sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Police Sub-Station 15 Commander P/Capt. Demile Tubbali sa ulat na isinumite nito kay Caloocan Acting Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta, nagpapatrulya aniya ang kanyang mga tauhan sa Phase 7A, Brgy. 176 Bagong Silang nang lumapit ang isang residente sa lugar dakong alas-4 ng madaling araw at ipinabatid ang nasaksihang pagdadala ng baril ng dalawang lalaki na kinilala lang sa alyas “Lel-Lek” at “Jon-Jon.”

Nagtungo naman kaagad ang mga pulis sa sinasabing lugar sa Phase 7 at dito nila inabutan na ini-aabot ni alyas Jon-Jon sa kasama ang isang baril. Nang makita ng dalawa ang paparating na mga pulis, kumaripas umano ng takbo ang mga ito subalit kaagad din silang na-korner matapos ang maikling habulan.

Nakuha sa suspek na si Ulrick Waldemar, alyas Lek-Lek, 34 anyos, ang isang kalibre .45 baril at tatlong magazine na may kabuuang lamang 21 bala na umano’y ini-abot sa kanya ng naaresto ring si P/SSgt. Gideon Geronga, Jr. 44 anyos, na kilala sa alyas na Jon-Jon, at nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Station 16 sa Pasong Putik at residente ng Bagong Silang.

Sinabi ni Col. Lacuesta na patuloy ang ginagawa nilang 24-oras na pagpapatulya sa ilalim ng programang S.A.F.E. NCRPO na inilunsad ni National Capital Region Police Office Director P/BGen. Jonnel Estomo na magpapatunay na gising ang kapulisan habang tulog ang mamamayan.

Pinuri naman ni BGen. Estomo ang mga tauhan ng Caloocan City Police sa pagdakip sa kanilang kabaro bilang patunay sa patuloy nilang paglilinis sa kanilang hanay.

Kasong paglabag sa R.A. 10591 ang isasampa ng mga tauhan ng Caloocan police laban sa dalawang nadakip sa piskalya ng Caloocan City.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.