Drag racing sa mga pampublikong kalsada, ipagbabawal

Share this information:

INAPRUBAHAN na ng House Committee on Transportation ang panukalang batas na layong ipagbawal ang drag racing o karera ng mga sasakyan sa mga pampublikong lansangan sa bansa.

Sa ilalim ng House Bill 3391 ni Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo, partikular na mahigpit na ipinagbabawal ay ang paghahanay ng dalawa o higit pang pribadong sasakyan na may ispesipikong distansya at bilis sa layong mag-unahan.

Hindi rin pinapayagan ang pagmamaneho ng sasakyan para lang masubok ang bilis o lakas ng acceleration nito kahit hindi magkakatabi o magkakahanay ang mga sasakyan.

Nais ding ipagbawal ang drag racing ng mga pampublikong sasakyan o pag-uunahan upang mag-agawan ng mga pasahero.

“Drag racing in public roads does not have a place in our society. A stringent measure should be enforced against this perilous activity,” diin ni Castelo.

Sinabi pa ng kongresista na maraming buhay ang nasayang dahil sa karera ng mga sasakyan at nakakaalarma na ang patuloy na paglobo nito.

Tinukoy nito na nuong Enero 22, 2017 ay mayruong pitong tao ang lubhang nasugatan nang magkarerahan ang dalawang bus sa national highway ng Sierra Bullones sa Bohol.

Maaaring maharap sa parusang pagmumulta ng P300,000 hanggang P500,000 o pagkakapiit ng isang taon ang mga lalabag sakaling maisabatas ang panukala. Inihirit naman ni House transportation panel vice chairman Rep. Aloy Lim na maidamay na rin sa panukala kahit ang mga legal na drag racing.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.