Breaking News

Share this information:

Inihayag ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na maaaring magdulot ng respiratory problems at iba pang isyung pangkalusugan sa isang tao ang pagkalanghap ng mga dinurog na dolomite rock sa Manila Bay.

Nabatid na ang dolomite rock ay ang materyales na mula sa Cebu City at dinurog upang magkaroon ng artipisyal na puting buhangin sa pampang ng Manila Bay.

Bahagi ito ng P389-milyong beach nourishment project ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang i-rehabilitate ang Manila Bay, na inuulan naman ng batikos sa ngayon dahil hindi umano ito napapanahon ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa buong mundo.

Sa isang online briefing, sinabi naman ni Vergeire na base sa pag-aaral at medical literature, ang dolomite kapag nalanghap ng tao ay may masamang epekto sa respiratory system.

Maaari rin aniya itong magdulot ng iritasyon kapag napunta sa mata o di kaya ay gastro-intestinal discomfort, pagsakit ng tiyan at pagtatae sa isang indibidwal.

“Ito pong dolomite, base po sa pag-aaral, kapag na-inhale natin ito, may mga adverse reaction [sa] respiratory system, mainly,” ayon kay Vergeire.  “Based on studies and medical literature, it can cause respiratory issues to a person. Kapag napunta sa mata, magkakaroon ng kaunting irritation. Kapag na-ingest, magkakaroon ng gastro-intestinal discomfort, pagkakasakit ng tiyan at pagtatae…ito iyong mga minor effects,” aniya pa.

Sa kabila nito, naniniwala naman si Vergeire na pinag-aralan naman ng DENR ang kanilang hakbang na lagyan ng artipisyal na buhangin ang Manila Bay, bago nila ito isinagawa.

“Hindi naman po nila ipapatupad kung hindi nila napag-aralan or if this will cause harm to our environment and the people,” ani Vergeire.

Pinayuhan na lamang niya ang mga mamamayan na obserbahan ang minimum health standards upang makaiwas sa epekto ng dolomite sa Manila Bay sa kanilang kalusugan…(Photo courtesy: InfraPH)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.