Director ng BPSU, patay sa aksidente sa lansangan sa Bataan

Share this information:

Patay sa isang aksidente ang isa sa mga director ng Bataan Peninsula State University o BPSU, sa Roman Expressway, Brgy Laon, Abucay, Bataan nitong Huwebes ng gabi.

Sa inisyal na ulat mula kay Police Major Leopoldo Estorque Jr., hepe ng Abucay Police, kinilala ang biktimang si Jose Paulo Tuazon, 37 anyos, Director ng Auxiliary and Entrepreneurial Services ng BPSU, at residente ng Doña Francisca, Balanga City, Bataan.

Nabatid sa imbestigasyon ng pulis na lulan ang biktima ng kanyang Toyota Revo (WNH 752) pauwi sa Balanga City at binabagtas ang Roman Expressway.

Hindi umano nakapagpreno agad ang biktima at huli na nang makita ang kumakaliwang dump truck (TQO 224) na minamaneho ni Alvin De Leon Arro, kaya’t sumalpok ang Toyota Revo sa likurang bahagi ng nabanggit na truck.

Patay on the spot ang biktima matapos magtamo ng grabeng injury sa katawan nito.

Nabatid sa ilang kakilala nito na nanggaling umano sa isang birthday party ang biktima sa Abucay Campus ng BPSU at pauwi na ito nang mangyari ang trahedya.

Kasong reckless imprudence resulting to death and damage to property ang kinakaharap na kaso ng driver ng truck na nasa kustodiya na ngayon ng Abucay Police.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.