Depensa ni Guo, kinontra ng BI

KINONTRA ng Bureau of Immigration (BI) ang depensa ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping, na sumalang sa isang clarificatory hearing upang patunayan na siya ay isang Filipino.

Sa pagdinig, kinontra ni Atty. Gilbert Repizo, head ng Board of Special Inquiry ng BI, at sinabing maraming mga naipakitang ebidensya ang Special Prosecutor na nagpapatunay na hindi Filipino si Guo Hua Ping at dinaya lamang nito ang kanyang mga dokumento.

Sinabi ni Repizo na ang fingerprint nina Guo Hua Ping at Alice Guo na hawak ng National Bureau of Investigation (NBI) ay iisang tao lamang.

Ipinakita rin ng Special Prosecutor ang birth certificate ni Guo na umano ay pineke para palabasing siya ay isang Filipino.

Dahil dito, binigyan ng BI ng 15 araw na palugit ang kampo ni Guo para mapatunayan na kwestyunable ang findings ng NBI sa kanyang finger print.

Sinabi rin ni Repizo na iminungkahi nito na magsagawa ng panibagong finger print sa harap ng presensya ng bawat partido, ang NBI, BI at Guo upang mapatunayan ang kanyang finger print.

Sa panig ng depensa, sinabi ni Atty. Stephen David na kasama sa kanilang kukuwestyunin na ilantad ng NBI at BI si Guo Hua Ping na sinasabing tunay na pangalan o pagkatao ng dating alkalde.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.