Delivery driver, timbog sa P3.4M shabu sa Caloocan

Share this information:

TINATAYANG nasa P3.4 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad mula sa isang delivery driver matapos itong maaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang naarestong suspek na si Arturo Del Cruz Jr., 38 anyos, delivery driver, tubong GMA Cavite at residente ng #177 Gov. Pascual St., Sipac, Navotas city.

Sa inisyal na report, dakong ala-1:30 ng hapon nang magsagawa ang pinagsanib na mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Nueva Ecija Provincial Office, PDEA Bataan Provincial Office, PDEA RO-III RSET sa pangunguna ni AI 5 Christopher Macairap, Bagong Barrio Sub-Station 5 sa pangunguna ni PLt. Julius Villafuerte at PMaj Deo Cabildo, SDEU, Caloocan police sa ilalim ng pangangasiwa ni PCol Samuel Mina Jr., ng buy-bust operation sa harap ng isang fastfood store sa kanto ng Loreto St., Brgy 84, Caloocan City.

Isang undercover ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek at nang tanggapin nito ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng droga ay agad siyang inaresto ng mga operatiba.

Nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang sa 500 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P3.4 milyon at buy-bust money na isang tunay na P1,000 bill na may kasamang boodle money.

Kaugnay nito, pinuri ni National Capital Region Police Office Chief PMGen. Vicente Danao Jr. ang matagumpay na joint drug buy-bust operation ng PDEA at Caloocan City Police na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at pagkakakumpiska ng naturang ilegal na droga.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.