Chinese national, isa pa arestado sa baril at droga

Share this information:

ARESTADO ng pinagsanib na mga operatiba ng Northern Police District (NPD) at Makati City Police ang dalawang miyembro ng isang big-time gunrunning syndicate kabilang ang isang Chinese national sa buy-bust operation sa Makati City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni NPD Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo, Jr. ang naarestong mga suspek na sina Huang Sia, alias Jason Lee, 30 anyos, ng 9089 B. Banoyo St. Brgy. San Antonio Makati City, at Raffy Ballera, 29 anyos, ng 149 Villaruel St. Brgy. 24, Pasay City.

Nag-ugat ang pagkakaaresto sa kanila mula sa nakalap na impormasyon ni District Special Operation Unit-Northern Police District (DSOU-NPD) chief P/Lt. Col. Jay Dimaandal hinggil sa ilegal na pagbebenta ng mga suspek ng high powered na mga baril sa Metro Manila at kalapit na mga probinsya.

Dakong alas-4:10 ng hapon nang magsagawa ang pinagsanib na mga operatiba ng DSOU at District Drug Enforcement Unit (DDEU-NPD) sa pangunguna ni P/Maj. Amor Cerillo, sa koordinasyon sa Makati City Poblacion Police Sub-Station ng buy-bust operation sa San Agustin St., Salcedo Village, Brgy. Bel-Air kung saan nagpanggap na poseur-buyer si P/SSgt. Angelito Gagarin habang magsisilbi namang back-up si P/SSgt. Emmanuel Carpio at P/MSgt. Eleazar Lazaro.

Nang iabot ng mga suspek ang isang mahabang baril sa police poseur-buyer kapalit ng P3,000 marked money ay agad lumapit ang back-up na mga operatiba saka sinunggaban ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang apat na mahabang baril may marka Spikes Tactical Apopka FL USA na nasa P100,000 ang halaga, kaha ng sigarilyo na naglalaman ng nasa isang gramo ng cocaine na nasa P5,000 naman ang halaga, transparent plastic bottle na naglalaman ng nasa 3 gramo ng shabu na nasa P20,400 ang halaga at marked money.

Binabati ko ang matagumpay na operayon ng pinagsanib na pwersa ng NPD DSOU at ng Makati Police. Sa pagtutulungan ng iba’t ibang unit ng pulisya, ang paghuli sa mga gumagawa ng ilegal ay mas lalong napaiigting,” sabi ni NPD Director Hidalgo.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act at RA 9165 o  Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.