Nagpositibo sa sakit na COVID-19 ang dating House Deputy Speaker at ngayon ay Batangas 2nd District na si Rep. Raneo Abu.
Inianunsiyo niya ito sa kanyang Facebook page kanina matapos lumabas ang resulta ng kanyang test kahapon.
Sumailalim siya sa RT-PCR test maging ang kanyang pamilya at office staff members nitong nakaraang Huwebes.
Asymptomatic naman o walang nararamdaman na mga sintomas ang nasabing kongresista at agad na nagpunta sa isang isolation facility.
Sinabi nito na “Hinihimok ko ang lahat ng aking mga nakasalamuha ng mga nagdaang araw na sumunod sa quarantine protocol na naaayon sa itinakda ng DOH (Department of Health),” ani Abu.
Dagdag pa niya, “Humihiling po ako sa inyo ng dalangin upang paglabanan at malampasan itong pagsubok na aking kinakaharap ngayon.”
Nag-negatibo naman ang kanyang asawa at anak na babae sa sakit habang nagpapagaling naman na ang nasabing mambabatas.