Arestado ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang pugante at high-profile Japanese national na wanted ng mga awtoridad sa Tokyo, Japan dahil sa pagkakasangkot nito sa telecommunications fraud at nakapam-biktima ng marami sa kanyang mga kababayan.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, si Fujita Toshiya, 36 anyos, ay naaresto sa Brgy. Anilao Proper, Mabini, Batangas ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI, sa pakikipagtulungan at koordinasyon ng Batangas Provincial Police Office-Provincial Intelligence Unit, Police Regional Office 4A, at Mabini Municipal Police Station (MPS).
Inilarawan ni Morente si Toshiya na isang high-profile fugitive na nasa wanted list ng Japan at umano’y miyembro ng organized syndicate na nambibiktima ng maraming Japanese citizens na nawalan ng malaking halaga dahil sa kanyang telecom fraud activities.
“He will be deported, placed in our blacklist, and banned from re-entering the Philippines for being an undesirable alien,” ani Morente .
Ayon sa mga awtoridad ng Japan na humingi ng tulong sa BI, nag-ooperate si Toshiya at kanyang kasabwat dito sa Pilipinas at ang kanilang biktima ay kanilang mga kababayan na nasa Japan sa pamamagitan ng telecommunications.
Ayon pa sa ulat, ang grupo ni Toshiya ay mayroong kabuuang higit sa 1,300 na kumpirmadong mga kaso ng pandaraya na nagreresulta sa pinsala na umaabot sa 2 bilyong Japanese Yen o mahigit sa P885 milyon.
Iniulat naman ng Tokyo Metropolitan Police Department na sinampahan na ng mga kaso ang suspek sa Japan at may warrant na ring inisyu ang Summary Court ng Tokyo para sa kanyang pag-aresto.
Pansamantalang pinipigil ngayon sa Batangas PPO ang Japanese national.