Dalawang namumuong sama ng panahon o Low Pressure Area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayan ngayon ng PAGASA.
Dahil sa dalawang LPA, ibinabala ng PAGASA na magdudulot ng malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ang Southwest Monsoon o habagat.
Huling namataan ang unang LPA sa layong 60 kilometro ng Kanluran ng Sinait, Ilocos Sur.
Posible umanong maging Tropical Depression ang LPA sa mga susunod na oras (48 oras) at dahil sumasabay ang habagat ay asahan na ang katamtaman hanggang s amalakas na pag-ulan sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Sur, Isabela, Pangasinan, Aurora, northern Palawan (kasama ang Kalayaan at Calamian Islands), at Occidental Mindoro.
Mahina hanggang sa katamtaman at paminsan-minsang malakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at iba pang bahagi ng Luzon.
Samantala, ang isang LPA ay nasa tinatayang 760 kilometro ng Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Nabatid sa PAGASA na magiging bagyo rin ang ikalawang LPA sa susunod na 48 hanggang 72 oras at si-sentro sa Visayas-Bicol Region area.
Ilang lugar binaha
Nakaranas ng pagbaha sa ilang lugar sa bansa dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Sa San Francisco, Quezon ay naging pahirapan ang pagdaan sa ilang kalsada dahil sa pagbaha habang ang ibang lugar ay pinasok na rin ng tubig ang ilang bahay pero wala namang naiulat na nasawi o nasaktan.
Sa Lucena City, nabasa ang module na gamit ng mga guro sa blended learning ng Lucena East 1 Elementary School.
Nag-preemptive release naman ng tubig ang Bustos dam dahil sa tumataas na antas nito dulot ng mga pag-ulan.
Nakaranas din ng masamang panahon ang ilang lugar sa Metro Manila.

